Pangako ng Paalam
Mula pagkabata'y laging magkasama
away-bati sino bang mali o tama
sa anumang bagay tayo'y magkasangga
dahil dito ay nag-ugat ang paghanga
Mula noo'y naging laman ka ng puso
at naramdaman ko sayo'y may pagsuyo
tandang-tanda ko pa ang ating pangako
sa isa't-isa ay hindi magbabago
Dumating ang araw tayo'y nagkalayo
luha sa aking mata'y di maitago
at sa aking paglisan bao'y pangalan mo
pangako mo sana'y di pa rin maglaho
Lumipas mga araw, buwan at taon
pag-ibig ko'y di nalimot mula noon
pilit iningatan anumang panahon
at ninais ring makita ka sa ngayon
Bitui'y nakinig sa aking pagsamo
ikaw ay bumalik mula sa malayo
niyanig mo ang buo kong pagkatao
sambit ko'y ika'y nanatili sa puso
Akala ko'y pag-ibig pa rin ay akin
ngunit pagsuyo mo'y iba ang umangkin
tuluyang nag-iba ang iyong damdamin
pangako nati'y di na kayang tuparin?
Tulong ng Diyos ang siyang inaasam
ngayon sa aking puso'y may agam-agam
tuluyan kang limutin ang siyang mainam
at sadyang sambitin salitang "paalam"
Created last: April 8, 1998
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home